Pumalo sa 2,424 silid-aralan ang napinsala ng mga pag-ulang dala ng Habagat sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Batay ito sa datos ng Department of Education – Disaster Risk Reduction and Management Service (DepEd-DRRMS) hanggang kahapon, August 9.
Sa naturang bilang, 403 na mga paaralan ang lubos na nasira, 505 na may malaking pinsala, at 1,516 na nagtamo ng bahagyang pinsala.
Kasunod nito, inihayag ni Education Secretary Sonny Angara ang pinalawak na bayanihan sa rehabilitasyon ng mga paaralan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa direktiba aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pagaganahin ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD)–Brigada Eskwela convergence sa isang agarang mekanismo.
Kasalukuyan nang sinusuri ng mga Regional at Schools Division Office ang mga datos upang matukoy ang mga prayoridad na paaralan para sa agarang pagpapadala ng mga emergency cleanup personnel.

