Pinag-iingat ng Malacañang ang publiko, lalo na ang mga nakasong sa baha, na agad kumonsulta sa doktor upang makaiwas sa leptospirosis at iba pang sakit na dala ng patuloy na pag-ulan sanhi ng habagat.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, direktang inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na magsagawa ng mga proactive na hakbang laban sa mga tag-ulan at baha-related na karamdaman.
Payo ni Castro, agad na maghugas ng malinis na tubig at sabon kapag nabasa o napalusong sa baha. Idinagdag din niya na dapat magtungo agad sa pinakamalapit na health center upang makahingi ng libreng konsultasyon at gamot na doxycycline. Gayunman, nilinaw nito na hindi inirerekomenda ang nasabing gamot sa mga buntis at batang edad 12 pababa nang walang gabay ng doktor.
Binigyang-diin din ng Palasyo na huwag nang hintayin pa ang mga malalang sintomas tulad ng lagnat, pagmumutla o pagdidikit ng dilaw sa balat at mata, at pagkonti ng ihi bago magpatingin.
Bukod sa leptospirosis, nagtayo na rin ang DOH ng “Dengue Fast Lanes” sa mga pampublikong ospital at naghahanda ng mga jerry can at chlorine tablets upang matiyak na malinis ang inuming tubig ng mga naapektuhang komunidad. Payo ng pamahalaan, pakuluan ng dalawang minuto ang tubig bago inumin kung hindi sigurado sa kalinisan nito.