Epektibong nakapag-ipon ng tubig-ulan ang retention pond na bahagi ng bagong open space sa Quezon Memorial Circle.
Layon nitong pansamantalang maging imbakan ng tubig tuwing malakas ang pag-ulan para makatulong na maiwasan ang matinding pagbaha sa lungsod.
Ayon sa Quezon City LGU, bahagi ito sa mga hakbang sa ilalim ng Drainage Master Plan.
Kabilang din dito ang stormwater detention basins na nakumpleto na sa covered courts ng Barangay Sta. Monica at Barangay Tandang Sora, habang isinasagawa naman ang mga detention basin sa ilalim ng G. Araneta Avenue.
Sa pamamagitan ng detention basins, pansamantalang naiimbak ang tubig-ulan sa ilalim ng mga court o kalsada para hindi agad umapaw sa ibabaw at makadagdag sa pagbaha. Kapag humina na ang ulan, unti-unting nailalabas ang naipong tubig.
Samantala, inilagay naman ang flap gates sa mga outfall upang maiwasan ang backflow o pagpasok pabalik ng tubig mula sa mga ilog at creek patungo sa drainage system. Awtomatikong nagsasara ang mga ito kapag tumataas ang lebel ng tubig at muling bumubukas upang makapaglabas ng tubig mula sa drainage system.
📸 QC LGU

