Photo courtesy of Marikina Public Information Office (PIO)
Nag-deploy ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina, katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng malalaking mobile booster pumps sa Malanday at Tumana, para mapabilis ang pag-hupa ng baha.
Tatlong beses umano ang pumping capacity ng mga ito kumpara sa kasalukuyang pumps ng Tumana Pumping Station.
Layunin nitong mapabilis ang paglabas ng naipong tubig habang nagpapatuloy ang clearing at pumping operations.
Ayon kay Mayor Maan Teodoro, walang malaking pagbaha sa Marikina sa kabila ng isang linggong tuloy-tuloy na ulan.
Gayunman, nakaranas ng baha sa Libis Bulelak, Malanday, Creekside at ilang bahagi ng Nangka.
Sinabi ni Teodoro, na maaaring naiwasan ang pagbaha kung hindi pumalya ang Tumana Pumping Station.
Matapos tawagan, nagpadala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mobile pump habang nag-deploy naman ang MMDA ng booster pumps para mapabilis ang paghupa ng baha.