Tinatayang halos katumbas na ng isang buwang pag-ulan ang volume ng tubig-ulang naranasan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, sa nakalipas na siyam na araw.
Bunsod ito ng pinagsama-samang epekto ng TS Luis, Bagyong Maymay, at ng Habagat.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PAGASA Administrator Nathaniel Servando, na simula August 1 hanggang 9, umabot sa 1,413 millimeters ang naitalang rainfall sa Baguio City.
Mas mataas ito kumpara sa 963 millimeters na normal rainfall para sa buong buwan ng Agosto.
“The past week, nakakaranas tayo ng malakas na mga pag-ulan, dulot ito ng Bagyong Luis at Maymay at pinag-ibayong habagat. Maging ang Bagyong Dolphin kahit na malayo na sa labas ng Philippine Area of Responsibility ay nakaimpluwensiya upang ma-sustain ang mga pag-ulan na hanggang sa araw na ito.” -Servando
Ayon sa opisyal, nangangahulugan ito na halos isa’t kalahating buwan ng normal na ulan ang bumuhos sa naturang lugar sa loob lamang ng siyam na araw.
Aniya, sa Zambales at Pangasinan, pumalo sa 957 millimeters ang naitalang ulan sa ilang monitoring station sa parehong panahon.
Kumpara ito sa 929 millimeters na normal rainfall para sa buwan ng Agosto.
Sa Metro Manila, umakyat sa 501.6 millimeters ang naitalang rainfall sa Science Garden sa Quezon City, mula August 1 hanggang 9.
Katumbas ito ng halos 90% ng normal rainfall para sa buong buwan ng Agosto sa naturang monitoring station.
“Maging dito sa Metro Manila, sa Science Garden in Quezon City, ang recorded rainfall ay umabot ng 501.6 millimeters of rain compared to the normal na 568. So almost 90%, nearly isang buwan ding ulan ang binuhos dito sa Quezon City, Metro Manila.” -Servando
Ayon sa opisyal, patuloy na nagdu-dulot ng pag-ulan ang habagat sa malawak na bahagi ng bansa, partikular sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Gayunman, inaasahang mababawasan na ang mga pag-ulan simula bukas at unti-unting gaganda ang panahon hanggang Miyerkules, batay sa forecast ng PAGASA.
“Ang DOST PAGASA ay patuloy na magmo-monitor at pinapayuhan natin ang ating mga kababayan lalung-lalo na sa mga affected areas na maging vigilant at if possible magre-rely sa mga official advisories na binibigay ng ating pamahalaan at mga ahensiya hindi lamang ang PAGASA but of course, like ang Office of Civil Defense.” -Servando