Posibleng hingin ng prosecution panel sa Senate Impeachment Court ang pagpapalabas ng show-cause order laban sa dalawang Special Disbursing Officer o SDO kung hindi susunod ang mga ito sa subpoena para tumestigo sa paggamit ng confidential funds.
Ayon kay prosecution counsel at spokesperson Benjamin Tolosa Jr., wala pa silang natatanggap na kumpirmasyon mula kina Gina Acosta at Edward Fajarda kung haharap ang mga ito sa impeachment trial.
Si Acosta ay dating SDO ng Office of the Vice President, habang si Fajarda naman ang SDO ng Department of Education nang si Vice President Sara Duterte ay nagsilbi ring Education Secretary.
Batay sa testimonya ng mga dating LandBank branch manager, apat na tseke na tig-P125 milyon ang in-encash ni Acosta, habang tatlong tseke na tig-P37.5 milyon naman ang in-encash ni Fajarda, na may kabuuang P612.5 milyon.
Nais malaman ng prosecution kung saan napunta ang cash matapos i-encash ang mga tseke, paano ito ipinamahagi, at ano ang mga dokumentong sumusuporta sa liquidation ng confidential funds. Sinabi ni Tolosa na kung hindi haharap ang mga testigo, maaari silang atasan ng impeachment court na magpaliwanag at kung hindi sapat ang dahilan, maaari silang i-cite in contempt upang mapilitang dumalo at tumestigo.