Photo courtesy of National Nutrition Council
Halos 300 pamilya ang patuloy na nabibigyan ng masustansyang pagkain sa anim na evacuation center sa Parañaque City habang nagpapatuloy ang pag-ulan at pagbaha dulot ng pinalakas na Habagat.
Ayon sa National Nutrition Council (NNC), umabot sa 298 pamilya o 1,153 indibidwal ang nasa mga evacuation center ng lungsod hanggang Agosto 9, 2026.
Kabilang sa mga pagkaing inihahanda at ipinamahagi sa mga evacuee ang picadillo na may kasamang kanin sa BF Homes at pinakbet na may kanin sa Moonwalk.
Pinangunahan ang paghahanda ng pagkain sa ilalim ng pangangasiwa ng mga nutrition personnel ng lungsod, katuwang ang mga Barangay Nutrition Action Officer at apat na Registered Nutritionist-Dietitians.
Samantala, 13 batang edad 0 hanggang 23 buwan, na kabilang sa kanilang unang 1,000 araw, ang patuloy na nagpapasuso mula sa kanilang mga ina sa mga nakalaang breastfeeding tent sa evacuation centers.
Ayon kay National Nutrition Council Undersecretary at Executive Director Dr. Albert Edralin Domingo, mahalagang matiyak na nananatiling masustansya ang pagkain ng mga evacuee sa panahon ng kalamidad.
Pinakamarami ang mga evacuee sa BF Homes na may 125 pamilya at 451 indibidwal, kasunod ang Moonwalk na may 90 pamilya at 366 indibidwal, at Don Bosco na may 58 pamilya at 229 indibidwal.