Mahigit 300 pasahero, mga drayber ng trak, at cargo helpers ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa masamang panahong dala ng Southwest Monsoon o Habagat.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Coast Guard (PCG), aabot sa 26 na pantalan ang naapektuhan ng masamang panahon.
Marami rin ang napilitang sumilong muna habang masama ang lagay ng karagatan, kabilang ang 25 barko, 405 motorbanca, anim na tugboat, at tatlong barge.
Bukod sa mga pasahero, nakapagtala rin ang PCG ng 79 rolling cargo at siyam na barkong hindi nakabiyahe. Paalala naman ng PCG sa mga biyahero na palaging sumubaybay sa mga opisyal na ulat sa panahon at mga abiso sa biyahe bago pumunta sa mga daungan.