Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga concerned agencies para sa agarang pagtugon at relief operations sa mga apektadong lugar sa isinagawang Cabinet meeting ngayong Lunes, August 10.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa P39.37 milyon ang halaga ng relief assistance na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nasa limang milyong family food packs naman ang naihanda ng ahensya, habang 624 evacuation centers ang binuksan para sa mahigit 16,000 apektadong pamilya.
Samantala, 3,841 personnel ang idineploy para sa search and rescue operations, kabilang ang 14 air assets mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Patuloy din ang declogging, dredging, paglilinis ng waterways at pagpapatakbo ng pumping stations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang makatulong na mabawasan ang pagbaha.
Iniulat ng PAGASA na Baguio City ang nakapagtala ng pinakamalakas na pag-ulan, na umabot sa 1,413 millimeters mula Agosto 1 hanggang 9—mas mataas sa normal na 963 millimeters na rainfall para sa buong buwan ng Agosto.
Samantala, nakapagtala ang NDRRMC ng 12 nasawi dahil sa mga epekto ng pinagsamang weather systems, kabilang ang landslide, pagbaha at electrocution.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga ahensya at lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagtukoy sa mga apektadong pamilya at paghahatid ng tulong.