Magagamit na ng MMDA ang 11 bagong mobile pumping station para sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, limang beses na mas malakas ang mga bagong mobile pumping station kumpara sa mga dati nang ginagamit.
Dalawa sa mga ito ang ilalagay sa Roxas Boulevard, dalawa sa Parañaque, isa sa Marikina, at isa sa Araneta Center sa Quezon City, habang pinag-iisipan pa kung saan ilalagay ang iba.
Ayon kay Artes, mas mahusay ang mga bagong mobile pumping station dahil kaya nitong mag-pump ng tubig na katumbas ng isang Olympic-size swimming pool sa loob ng 30 minuto.
Kung ang isang lugar ay umaabot hanggang bewang ang baha, posibleng bumaba ito hanggang gutter-deep na lamang kapag ginamit ang bagong mobile pumping station.