Sinimulan na ang libreng sakay sa Manila North Cemetery para sa mga bibisita ngayong Undas.
Ayon kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, hanggang October 31 ang serbisyo ng mga electric vehicle. Prayoridad dito ang senior citizens, persons with disabilities, mga may karamdaman, buntis at mga magulang na may kasamang bata.
Walang libreng sakay sa November 1 at 2 upang hindi makasagabal sa inaasahang pagdagsa ng mga tao.
Mayroon ding Puntod Finder Assistance para makatulong sa paghahanap ng mga puntod at wristband tagging para sa mga bata bilang dagdag na hakbang sa kanilang kaligtasan.
Sa Manila South Cemetery naman, inilunsad ang Enhanced at Advance Puntod Finder na may emergency assistance upang mapabilis ang pagresponde sa mga nangangailangan ng agarang tulong.
Nagpaalala si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na bawal magpasok ng sasakyan sa sementeryo.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng speaker, matatalim na bagay at alagang hayop, gayundin ang pagsusugal.
