Pinaigting ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nationwide High Impact, High Visibility Inspection o HIHVI ngayong nalalapit ang Undas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at pagsunod sa mga batas sa paggawa.
Sa utos ni Labor Secretary Francis Tolentino, nagsagawa ng inspeksyon ang mga regional office ng DOLE upang suriin ang tamang pasahod, maayos na kondisyon sa trabaho, at pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards o OSHS.
Kabilang sa mga siniyasat ang mga terminal ng bus sa Baguio at Pasay, gayundin ang mga barko sa Batangas, upang matiyak ang kaligtasan ng mga sasakyan at pasilidad sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.
Sinuri rin ang mga pampublikong imprastraktura sa Batanes at mga pasilidad ng turismo sa Bicol sa ilalim ng kampanyang “Safe Work, Safe Tourism.”
Samantala, nagpatawag din ang DOLE ng inter-agency coordination meeting sa Central Visayas para sa sektor ng transportasyon at pandagat, kung saan tinalakay ang mga hakbang upang matugunan ang epekto ng El Niño sa kaligtasan ng mga manggagawa.