Kuntento si Trade Secretary Cristina Roque sa mga presyo ng basic commodities na ibinebenta sa ilang supermarket sa lungsod ng Maynila.
Sa ginawang pag-iikot at monitoring ng kalihim, sinabi niyang pasok sa pricelist ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ibinebentang tinapay, delata, mineral water, at iba pa.
Aniya, karamihan sa mga itinitinda ay mas mababa pa nga ang presyo kung ikukumpara sa pricelist ng DTI.
Maging ang presyo ng kandila ay pasok din sa pricelist ng DTI, at inaasahang hindi tataas kahit pa nalalapit na ang Undas.
Sinabi pa ni Roque na asahan ng publiko na walang magiging pagtaas sa presyo ng basic commodities hanggang December 31, 2026. Dagdag pa niya, sapat ang suplay ng mineral water na mabibili sa mga supermarket kaya’t hindi dapat mag-panic ang publiko, lalo na’t nararanasan ang init ng panahon dulot ng El Niño.
Bagama’t hindi sakop ng DTI ang bentahan sa Dangwa, iginiit ni Roque na nais lamang niyang malaman ang mga presyo rito at kung gaano karaming lokal na bulaklak ang dumarating, na kaniyang sinusuportahan.