Nakipagpulong si Finance Secretary Frederick Go kay Japanese Ambassador to the Philippines Kitagawa Katsuro upang pag-usapan ang pagsusulong ng mga proyektong pang-imprastraktura na sinusuportahan ng Japan. Kabilang din sa agenda ang pagtugon sa mga suliraning nakaaapekto sa mga Japanese business at investment sa bansa.
Ayon sa DOF, nagpahayag ng interes ang mga opisyal ng Japan na isulong ang mga railway project na sinusuportahan ng kanilang bansa. Kabilang dito ang pagpopondo para sa North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway Project upang mapabuti ang biyahe at transportasyon para sa mga Pilipino.
Sinuportahan naman ni Secretary Frederick Go ang rekomendasyon ng Ambassador na pag-aralan ang mas mabilis na pagproseso ng mga Alien Employment Permit upang makatulong sa pagpapadali ng mga pamumuhunan at operasyon ng mga negosyo. Ayon kay Go, ipararating niya ang mga nasabing rekomendasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE).