Pinuri ni Central Singapore District Mayor Denise Phua Lay Peng ang in-city vertical housing program ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng administrasyon ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso.
Sa kanilang bilateral meeting noong Martes, November 17, bago ang ASEAN Governors and Mayors Forum, inilarawan ni Phua bilang visionary ang housing program ng Maynila.
Partikular na kinilala ng opisyal ang mga proyektong pabahay tulad ng Tondominium, pati ang mga programa ng lungsod sa edukasyon, kalusugan, at trabaho.
Ipinaliwanag naman ni Domagoso na ang mga benepisyaryo ng pabahay ay nagbabayad lamang ng dalawa hanggang tatlong libong piso kada buwan.
Maaari ring ipamana sa kanilang mga anak ang housing units ngunit ipinagbabawal ang pagbebenta nito upang maiwasang pagkakitaan ang mga ipinagkaloob na tirahan.
Ayon kay Domagoso, nakatutulong ang programa sa pagtugon sa problema ng informal settlers habang nadaragdagan ang ari-arian ng pamahalaang lungsod.
Ibinahagi naman ni Phua na kabaligtaran ang sitwasyon sa Singapore, kung saan maaaring maibenta nang may malaking tubo ang mga public housing unit.
Nakatakda ring magsagawa ng technical visit ang delegasyon ng Singapore sa mga housing project ng Maynila upang masuri ang sistema ng pagpapatupad ng programa.