Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na generally peaceful ang ginanap na 49th ASEAN Summit sa bansa sa kabila ng mga naitalang kilos-protesta.
Sa panayam ng programang Boses kay NCRPO Public Information Office Chief and Spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo sinabi niyang base sa latest na impormasyon sa NCRPO command center ay nasa 900 raliyista ang pinakahuling aktibidad na binantayan nila sa Liwasang Bonifacio, na maayos din namang natapos.
Hindi naman na ito nasundan ng panghuhuli sa mga raliyista dahil maayos itong naisagawa at walang naging paglabag sa batas.
Ani Asilo, patuloy pa ring pinaiiral ng pulisya ang maximum tolerance sa mga ikakasa pang rally at kilos-protesta.
Gayundin ay wala namang na-monitor ang pambansang pulisya na anumang banta habang idinaraos ang ASEAN Summit.
Sa ngayon, naka-full alert status pa rin ang pambansang pulisya bunsod ng mga natitira pang ASEAN-related activities at upang matiyak ang seguridad ng mga natitira pang ASEAN delegates at dignitaries sa bansa.