Mainit na sinalubong ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga delegasyon mula sa iba’t ibang bansa sa Timog-Silangang Asya para sa pagtitipon ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly o AIPA.
Sa isang courtesy call sa bisperas ng pormal na pagbubukas ng ika-47 AIPA General Assembly, personal na tinanggap ni Speaker Dy—na siyang kasalukuyang Pangulo ng AIPA—ang mga pinuno ng delegasyon at opisyal mula sa mga bansang kasapi nito.
Kasama rin ng Speaker sa pagtanggap ang ilan sa kanyang mga Deputy Speaker at iba pang lider ng Kamara.
Ngayong araw, nakatakdang pormal na buksan ang General Assembly na may temang, “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centred ASEAN,” kung saan inaasahan ang keynote address o pambungad na talumpati ni Speaker Dy.
Magtatagal ang pagpupulong hanggang sa Biyernes, Nobyembre 20 na magtatapos sa paglagda sa isang joint communiqué at ang pormal na paglilipat ng pagkapangulo ng AIPA sa bansang Singapore.