Itinaas pa ngayon ng National Food Authority (NFA) ang buying price nila sa palay upang mas mapataas ang buffer stock ng bigas.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay NFA Administrator, Dr. Larry Lacson, sinabi niyang malaki-laki pa ang hinahabol ngayon sa target volume ng NFA dahil higit 100,000 metric tons pa lang ng palay ang kanilang nabibili na malayo pa sa target na 500,000 metric tons.
Sa katunayan, pumalo na sa halos ₱30 kada kilo ang bili ngayon ng NFA sa dry and clean palay habang naglalaro sa ₱25 hanggang ₱26 naman sa fresh palay.
Sa ngayon, inaalam pa ng NFA ang dahilan ng matumal na pagbebenta sa kanila ng palay sa kabila ng pagtataas sa buying price ng palay.
Ani Lacson, talagang pinaghandaan nila ang pagbili ng mataas na volume ng bigas bunsod na rin ng warehouse expansion nila.
Paglilinaw naman ng NFA, na hindi na nila kaya pang isagad sa higit ₱30 ang buying price ng palay dahil limitado lang din naman ang kanilang pondo.