Nagbabala ang National Capital Region Police Office o NCRPO na hindi isang biro at seryosong krimen ang pagpapakalat ng bomb threat sa mga paaralan at pampublikong lugar.
Kasunod ito ng mga naitalang banta ng bomba sa University of Santo Tomas (UST) at De La Salle University (DLSU) na nagdulot ng pambubulabog at pagkakansela ng klase.
Binigyang-diin ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na papatawan ng buong pwersa ng batas ang sinumang magpapakalat ng maling impormasyon o gawa-gawang banta ng bomba.
Ipinaalala ng NCRPO na sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, ang sinumang mapapatunayang nagpasimuno ng bomb threat o bomb joke ay maaaring makulong nang hanggang limang (5) taon at magbayad ng multa hanggang P40,000.
Sa mga makakatanggap naman ng impormasyon patungkol sa posibleng bomb threat pinapaalala ng NCRPO na agad na makipag-ugnayan sa mga otoridad.