Dalawang show cause order ang isisilbi ni Transportation Secretary Vince Dizon sa dalawang bus terminal sa lungsod ng Maynila.
Sa isinagawang inspeksyon ni Dizon sa tatlong bus terminal, nakita niya ang maliit na comfort room (CR) at kawalan ng tubig sa mga palikuran ng dalawang terminal.
Sa Ohayami Bus Terminal, nakita ni Dizon ang maliit na CR para sa mga lalaki at ang pagkakahiwalay ng mga toilet.
Samantala, naabutan naman ng kalihim na walang tubig sa mga palikuran ng Victory Liner.
Ayon sa pamunuan ng Victory Liner, Maynilad ang dahilan ng kawalan ng tubig sa kanilang mga CR.
Bukod dito, ininspeksyon din ni Dizon ang iba’t ibang pasilidad sa mga terminal, gaya ng mga waiting area, ticketing booth, mga bus, at mga bus driver.
Kinausap din ng kalihim ang ilang pasahero hinggil sa kanilang mga karanasan.
Nais ni Dizon na magkaroon ng mas mataas na antas ng paggalang at pagmamalasakit sa mga pasahero. Kaya naman, ipinag-utos niyang dagdagan ang mga electric fan at tiyaking maayos ang mga waiting area sa mga terminal.
Nais din niyang i-update ng mga terminal ang kanilang ticketing system upang hindi na kailangang pumila ng mga pasahero at maging automated ang pagbabayad, gaya ng sistema sa mga fast-food restaurant.
Animnapung araw naman ang ibibigay sa mga terminal na nakatanggap ng show cause order upang sumagot at magpaliwanag hinggil sa kanilang mga pagkukulang sa pasilidad.