Photo courtesy of Representative Brian Yamsuan
Itinutulak ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang mabilis na pagpasa ng panukalang batas na magtatatag ng komprehensibong sistema sa pangongolekta, pagre-recycle, at pagtatapon ng electronic waste o e-waste sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill Number 11462 o National E-Waste Management Act, tutugunan ang kawalan ng malinaw na pamantayan sa pagtatapon ng mga sirang electronic devices na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kapaligiran.
Kabilang sa e-waste ang mga lumang cellphone, computer, appliances, power bank, charger at iba pang elektronikong kagamitan na kapag hindi maayos na itinapon ay maaaring magpakawala ng mga nakalalasong sangkap na makakakontamina sa hangin, lupa at tubig.
Sa panukala, itatalaga ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang pangunahing ahensiyang mangangasiwa sa wastong paghihiwalay, pangongolekta, pagre-recycle, at pagtatapon ng e-waste.
Oobligahin din ang mga manufacturer, brand owner, at importer na magkaroon ng sistema para sa pagbawi at ligtas na pagre-recycle o pagtatapon ng mga electronic product na kanilang ibinebenta.
Inaatasan din ang mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga collection point para sa e-waste, habang maglalaan naman ng pagsasanay at safety equipment para sa mga manggagawa sa impormal na sektor ng pagre-recycle.
Batay sa mga pag-aaral, umabot sa tinatayang 537,000 tonelada ang e-waste na nalikha sa Pilipinas noong 2022, kaya iginiit ni Yamsuan na kailangang kumilos agad upang maiwasang lumala ang banta nito sa kalusugan ng publiko at kapaligiran.