Photo courtesy | State Emergency Service of Ukraine
Sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine, direktang nanawagan ang mga lider ng Finland at Norway kay Russian President Vladimir Putin na wakasan ang digmaan sa Ukraine at suportahan ang mga pagsisikap para sa kapayapaan.
Ayon sa ulat ng Reuters, nakipag-usap nang humigit-kumulang 90 minuto sina Finnish President Alexander Stubb at Norwegian Prime Minister Jonas Gahr Støre kay President Putin nitong Martes.
Layunin nilang magkaroon ng mas aktibong papel ang Europa sa prosesong diplomatiko habang nagpapatuloy ang tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Matapos ang pag-uusap, nakipag-ugnayan din ang dalawang lider kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy upang muling ipahayag ang kanilang suporta sa Kyiv.
Gayunman, nananatiling malayo ang posisyon ng Moscow at Kyiv sa mga kondisyon para sa pagtatapos ng labanan.
Iginiit ng Kremlin na dapat isaalang-alang ang mga interes ng Russia sa ano mang kasunduang pangkapayapaan.
Samantala, inaasahang magpapatuloy ang mga pagsisikap sa negosasyon ng Russia, Ukraine, at Estados Unidos sa Abu Dhabi sa Nobiyembre.