Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panloob na alituntunin upang palakasin ang pagpapatupad, monitoring, at enforcement ng mga wage order sa buong bansa.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 264, Series of 2026 na nilagdaan ni DOLE Secretary Francis Tolentino, gagabayan ang mga DOLE Regional Office at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa pagpapatupad ng wage orders alinsunod sa Labor Code of the Philippines.
Layunin nitong matiyak na matatanggap ng mga manggagawa ang itinakdang dagdag-sahod, habang binibigyan naman ng angkop na mekanismo ang mga negosyo, lalo na ang micro, small, and medium enterprises o MSMEs, upang makasunod sa wage regulations.
Ayon sa kautusan, magiging epektibo at agad na maipatutupad ang isang wage order 15 calendar days matapos ang kumpletong publikasyon nito sa isang pahayagang may general circulation.
Patuloy ding imo-monitor ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at mga RTWPB ang pagsunod sa wage orders. Para naman sa mga establisimyentong saklaw ng wage order exemptions, paiigtingin ang pagpapadali ng proseso sa loob ng itinakdang 75 calendar days mula sa publikasyon ng wage order.
Magtutulungan din ang wage boards at DOLE regional offices upang matiyak ang pagpapatupad at ma-verify ang mga wage increase. Ang mga establisimyentong may kakulangan sa sahod ay maaaring patawan ng compliance order alinsunod sa Article 128 ng Labor Code.
Binigyang-diin din ni Secretary Tolentino ang kahalagahan ng social dialogue, kaya magpapatuloy ang konsultasyon sa pagitan ng mga manggagawa, management, at pamahalaan kahit na nailabas na ang wage order.
Samantala, kailangang magsumite ang RTWPBs ng implementation at exemption progress reports sa NWPC sa loob ng 30 calendar days matapos maging epektibo ang wage order. Magsusumite rin ng Policy and Impact Assessment Report upang makatulong sa mga susunod na proseso ng regional wage fixing.
Ang Administrative Order No. 264 ay agad na nagkabisa matapos itong lagdaan.