Photo courtesy of Presidential Communications Office (PCO)
Agarang paghahatid ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng Habagat lalo na ang mga nasa malalayong lugar ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ginawa ng Punong Ehekutibo ang kautusan sa isinagawang situation briefing kanina sa Malacañang.
Kabilang din sa nais ng Pangulo na maabot ng tulong ani Castro ay ang mga pamilyang nakabalik na sa kanilang tahanan pagkatapos na pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation center.
Kaugnay nito ay kasama sa iniulat sa situation briefing kay Pangulong Marcos ang nasa ₱39.37 million ng kabuuang tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar.
Halos ₱1 milyon naman ang naipamahaging financial assistance ng DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program habang nasa 54,370 family food packs na ang naipamahagi kasama ang 2,722 ready-to-eat food items at 1,376 non-food items.
Bukod pa dito ang halos limang milyong food packs na nakahanda kabilang ang 245,473 non-food items.