Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pagtutuunan ng kanyang administrasyon ang kalusugan, pagkain, at pangkalahatang kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Sa kanyang pinakabagong vlog kasunod ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), ipinaliwanag ng Pangulo ang proseso ng pagbuo ng kanyang talumpati. Ayon sa Punong Ehekutibo, siya mismo ang sumulat ng simula at huling bahagi nito habang nakipagpulong sa isang team upang buuin ang estruktura at mga datos ng buong ulat. Sinabi ng Pangulo na marami mang isyu ang hindi naisama upang hindi masyadong humaba ang talumpati, hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kahalagahan ang mga nasabing usapin.
Binigyang-pansin din ng Pangulo ang ilang liham mula sa mga kabataan at pangkatin tulad ng Youth for Health Coalition. Bilang tugon sa kanilang mga alalahanin sa gutom, bisyo, at sakit, binigyang-diin ni Marcos ang mga pambansang programang kasalukuyang ipinapatupad tulad ng Walang Gutom Program, school feeding programs, at ang pamamahagi ng bigas sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa rito, idiniim ng Pangulo ang mga reporma sa sektor ng kalusugan, gaya ng zero balance billing sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH), dagdag-suporta para sa mga dialysis patient, at expanded PhilHealth coverage para sa mga may malubhang karamdaman.
Panawagan ng Pangulo sa publiko, ang aktibong pakikilahok at pakikipagtulungan ng mamamayan ang pangunahing susi upang maisakatuparan ang mga mithiin ng “Bagong Pilipinas”.