Binahagi ni Senador Ping Lacson na sinimulan na ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang proseso na maaaring humantong sa forfeiture o pagsasailalim sa pagmamay-ari ng national government sa ilang ektaryang lupang sinasabing ni-reclaim nang walang kaukulang permit sa bahagi ng Taguig City sa Laguna Lake.
Ayon kay Lacson, kinumpirma ng PRA ang inisyal na natuklasan ng kanyang grupo na walang kahit isang kinakailangang permit ang Taguig City government para isagawa ang reclamation.
Aniya, magsasagawa ang PRA ng imbestigasyon na maaaring mauwi sa isang board resolution para simulan ang forfeiture proceedings.
Giit ng senador, malinaw ang mandato ng PRA bilang ahensiyang nangangasiwa sa reclamation at nag-iisyu ng mga kaukulang permit.
Ipinaliwanag ni Lacson na kahit pa nakikinabang ang mga residente sa reclaimed areas, kailangan pa ring sundin ang tamang proseso at batas. Kailangan ang mga kaukulang permit at dokumento mula sa PRA, Laguna Lake Development Authority (LLDA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) bago magsagawa ng reclamation.
Binigyang-diin din ni Senador Ping na kahit pagmamay-ari ng local government ang ilang bahagi ng lupang gagamitin para sa mga multipurpose building at parke, hindi pa rin ito maaaring i-reclaim nang walang kinakailangang permits.