Nagdeklara ang Malacañang nitong Linggo ng gabi ng suspensyon ng in-person classes at face-to-face work sa mga tanggapan ng gobyerno para sa araw ng Lunes, Agosto 10, 2026. Ito ay dahil sa inaasahang patuloy na pag-ulan at pagbaha na dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, na pinalalakas pa ng epekto ng mga Bagyong #LuisPH at #MaymayPH.

Ayon sa pahayag ng Palasyo, sakop ng suspensyon sa lahat ng antas ng pampubliko at pampribadong paaralan, pati na rin ang mga tanggapan ng pamahalaan, ang mga sumusunod na lugar:
- National Capital Region (NCR / Metro Manila)
- Abra
- Bataan
- Batangas
- Benguet
- Bulacan
- Cavite
- Ilocos Sur
- La Union
- Occidental Mindoro
- Oriental Mindoro
- Pampanga
- Pangasinan
- Rizal
- Tarlac
- Zambales
Linaw ng Malacañang, patuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante gamit ang alternatibong pamamaraan. “Maliban na lamang kung mag-atas ng iba ang kani-kanilang Local Chief Executives, ipapatupad ang alternative learning modes para sa mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pampribadong paaralan sa mga nabanggit na lugar ngayong Agosto 10, 2026,” ayon sa opisyal na anunsyo.
Samantala, inatasan naman ang mga ahensya ng gobyerno na magpatupad muna ng work-from-home (WFH) arrangement.
Gayunpaman, exempted sa naturang suspensyon ang mga tanggapang nagbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan, paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad, at iba pang mahahalagang pampublikong serbisyo para matiyak ang tuloy-tuloy na responde sa gitna ng masamang panahon. ###