Nananatiling naka-Blue Alert ang lalawigan ng Pangasinan dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ilang ilog, kasabay ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na dulot ng Habagat at dalawang Tropical Depression na dating Low Pressure Area o LPA 08-B at LPA 08-C.
Sa isinagawang pre-Disaster Risk Assessment o PDRA meeting alas-kuwatro ng hapon nitong Agosto 9, iniulat ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Operations Head Vincent Chiu na nasa 34,064 na pamilya mula sa 123 barangay, 12 bayan at dalawang lungsod ang naapektuhan ng sama ng panahon.
Ayon sa mga Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 85 barangay na ang nakaranas ng pagbaha.
Samantala, umabot na sa 7.5 metro above sea level ang tubig sa Sinocalan River sa Santa Barbara, o kalahating metro na mas mataas sa pitong metrong critical level.
Sa Marusay River naman sa Calasiao, umabot sa 10 talampakan ang taas ng tubig, dalawang talampakan na mas mataas sa walong talampakang critical level.
Ayon kay Chiu, may ilang lugar na sa tabing-ilog ang nakaranas ng pag-apaw ng tubig, bagama’t hindi pa lubusang umaapaw ang buong Marusay River system.
Umabot din sa critical level ang tubig sa Bued o Cayanga River sa San Fabian, na naitala sa 7.8 metro alas-siyete ng gabi.
Samantala, apat na national road at dalawang provincial road ang iniulat na hindi madaanan ng anumang uri ng sasakyan dahil sa epekto ng pagbaha at sama ng panahon.
May ilang lugar din na nagpatupad ng localized class suspension.
Samantala, sinuspinde naman ng mga bayan ng Mangaldan at Lingayen, gayundin ng Dagupan City, ang pasok sa trabaho ng mga kawani ng pamahalaan ngayong Lunes, Agosto 10.
Ayon kay Chiu, naka-standby ang mga rescuers ng PDRRMO kasama ang response cluster sa kanilang central office sa Burgos, gayundin ang mga satellite office sa San Nicolas at Tayug.
Nailagay na rin sa mga estratehikong lugar ang mga kagamitan sa pagsagip, iba pang resources, at mga tauhan, partikular sa San Fabian, bilang paghahanda sa anumang emergency.
Patuloy namang mino-monitor ng PDRRMO ang lebel ng tubig sa mga ilog at ang mga lugar na apektado ng pagbaha.
Pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar at malapit sa mga ilog, na manatiling alerto, makinig sa mga opisyal na abiso, at agad na sumunod sa mga panuto ng mga lokal na awtoridad habang patuloy na mino-monitor ang lagay ng panahon.