Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang situation briefing sa Malacañang.
Sa harap ito ng tuloy-tuloy na pagmo-monitor ng Pangulo sa epekto ng pananalasa ng Habagat sa maraming lugar sa bansa gaya ng Luzon area.
Alas-9 ng umaga gagawin ang situation briefing kung saan ay inaasahang hihingan ng update ng Pangulo ang mga concerned government agencies hinggil sa mga ginawa at ginagawa pang aksyon kaugnay ng pananalasa ng sungit ng panahon.
Sa briefing ay inaasahang mabibigyan din ng mga pinakahuling ulat ang Pangulo sa lagay ng mga kababayan nating naapektuhan ng kalamidad, naging epekto ng habagat sa mga imprastraktura, at tulong nang naihatid sa mga apektadong residente
Hindi rin malayong magbigay ng bagong mga direktiba ang Punong Ehekutibo kasunod ng mga matatanggap nitong ulat na ipepresenta sa kanya ng iba’t ibang kagawaran.
Una dito’y nagbigay na ng kautusan ang Pangulo sa mga concerned agencies na manatiling naka- heightened alert habang pinatitiyak din na siguraduhin ang kaligtasan ng mga komunidad sakaling magpalabas ng tubig sa mga dam.