Nanatiling sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang bahagi ng Pangasinan-Nueva Vizcaya Road (PNVR) mula Barangay Sta. Maria East hanggang Malico, San Nicolas, Pangasinan, matapos maitala ang mga insidente ng soil erosion at pagbagsak ng puno bunsod ng patuloy na epekto ng Enhanced Southwest Monsoon at Tropical Cyclones “Luis” at “Maymay.”
Ayon sa situational report ng DPWH Pangasinan 3rd District Engineering Office, naitala ang mga apektadong bahagi sa K0213+700, K0226+700, K0218+300, K0213+200, at K0213+150.
Bandang 9:00 AM nitong August 9, 2026, agad nagsagawa ng clearing operations ang DPWH Maintenance Crew matapos matanggap ang ulat. Nakipag-ugnayan din ang mga ito sa kinauukulang MDRRMO at Local Government Unit (LGU) upang mabilis na maalis ang mga nakaharang sa kalsada.
Matagumpay na naalis ang bumagsak na puno at iba pang debris, habang isinailalim naman sa inspeksyon ang mga apektadong bahagi upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang road users.
Gayunman, nanatiling sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang buong bahagi ng PNVR mula K0213+000 hanggang K0227+416.
Pinapayuhan ang mga motorista na iwasang dumaan sa naturang lugar at manatiling alerto sa posibilidad ng karagdagang pagguho ng lupa at iba pang road hazards, lalo na habang nagpapatuloy ang pag-ulan.