Nagkaloob ng libreng sakay ang Armed Forces of the Philippines — National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) partikular na sa mga residente ng Brgy. Nangka sa Marikina City.
Ito’y kasunod ng pre-emptive evacuation ng mga residente sa nabanggit na barangay bunsod ng pagtaas ng tubig sa Marikina River, gayundin sa mga naranasang pagbaha sa Brgy. Tumana at Malanday bunsod ng hindi paggana ng pumping station doon.
Kabilang sa mga ipinakalat ng NCRCOM ay ang mga tropa mula sa 12th at 5th Civil Military Operations Battalions na umalalay sa mga tauhan ng Barangay upang tiyakin ang maayos, ligtas at napapanahong paglikas ng mga apektadong residente.
Tiniyak ng AFP ang kanilang buong suporta sa mga Lokal na Pamahalaan sa panahong ito ng higit na pangangailangan ng bayanihan para protekahan ang mga komunidad mula sa anumang sakuna.
Una nang sinabi ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina na pumalo sa mahigit 2,000 pamilya o mahigit 11,000 indibidwal ang maagap na lumikas matapos sumampa sa 16 meters ang lebel ng tubig sa Ilog Marikina o nasa ikalawang alarma.
📸 AFP
