Umabot na sa ₱68.4-million ang kabuuang halaga ng humanitarian assistance na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat at Tropical Cyclones Luis at Maymay.
Kasama sa ipinamahagi nito sa mga apektadong komunidad ang nasa 88,347 Family Food Packs (FFPs), 6,199 Ready-to-Eat Food (RTEF) boxes, at 4,397 Non-Food Items (NFIs).
Ayon sa DSWD, kabilang sa mga lugar na nakatanggap ng augmentation assistance ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Una na ring nag-ikot si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ilang evacution sites sa Bulacan at Cavite para personal na alamin ang lagay ng mga naapektuhan ng Habagat.
Tiniyak nitong walang tigil ang pagposisyon ng kagawaran ng relief supplies sa iba’t ibang bahagi ng bansa para agad matugunan ang augmentation request ng mga lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan, halos limang milyong FFPs at mahigit 245,000 NFIs ang nakaimbak sa higit 1,000 warehouses ng DSWD sa buong bansa, na pinakamalaking national stockpile ng kagawaran, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maagang magposisyon ng relief supplies bago pa man tumama ang kalamidad.
📸 DSWD

