Umabot na sa higit 11,000 pamilya o katumbas ng 49,600 residente ang naapektuhan ng patuloy na pag-ulan dulot ng enhanced Southwest Monsoon o Habagat sa Metro Manila.
Sa report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office-NCR, nasa 5,877 pamilya o 24,466 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa 113 evacuation centers sa Kamaynilaan.
Kasunod nito, walang tigil naman ang pagpapadala ng tulong ng ahensya na umabot na rin sa higit ₱6-na milyon ang halaga ng naipaabot na humanitarian assistance.
Tiniyak naman ng DSWD-NCR na sapat ang available relief resources ng kagawaran para tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Patuloy rin ang koordinasyon ng Disaster Response Management Division (DRMD) ng DSWD FO-NCR sa 17 LGUs sa Metro Manila para matiyak ang mabilis na pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.