Pormal nang nagwakas ang pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at opisyal nang sinimulan ang unang regular session ng BARMM Parliament.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa inaugural session ng unang nahalal na Bangsamoro Parliament na ginanap sa Bangsamoro Government Center sa Lunsod ng Cotabato.
Ayon sa Pangulo, ang mahalagang kaganapang ito ay hindi lamang para sa mga kapatid nating Bangsamoro o sa Mindanao kundi isang malaking tagumpay para sa buong sambayanang Pilipino.
Itinuturing din ni Pangulong Marcos Jr. ang sesyon bilang isang makasaysayang yugto sa proseso ng kapayapaan sa pagitan ng Pambansang Pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Aniya, sumasalamin ito sa matagumpay na paglipat mula sa armadong pakikibaka patungo sa mapayapa at demokratikong pamamahala.
Pinuri rin ng Punong Ehekutibo ang matagumpay na idinaos na unang halalan sa parliyamento noong Setyembre. Aniya, hakbang ito upang matiyak ang pagpapatuloy ng kapayapaan at pag-unlad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Muling pinagtibay ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa awtonomiya at mga demokratikong institusyon ng rehiyon, at tiniyak ang kahandaang makipagtulungan sa bagong pamahalaang binuo ng parliyamento.
“Hinding-hindi namin kayo pababayaan,” pagtitiyak ni Pangulong Marcos Jr. Hinimok din niya ang publiko na magtulungan at magtiwala sa isa’t isa tungo sa isang mapayapa at maunlad na Bangsamoro. “Insha’Allah, God willing, the children of this land will one day look back at this day and say this is where a new and better chapter began,” pagtatapos ng Pangulo.