Mas kaunti ang mga pasaherong naitala sa Batangas Port ngayong Undas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, batay sa datos ng Philippine Ports Authority o PPA.
Ayon sa PPA, umabot sa 9,863 ang bilang ng mga pasahero sa Batangas Port hanggang tanghali nitong Oktubre 30.
Mas mababa ito ng halos 13% kumpara sa 11,342 pasaherong naitala sa kaparehong oras noong Oktubre 30, 2025.
Dahil dito, nananatiling maayos, payapa at maluwag ang mga passenger area sa pantalan.
Gayunman, tiniyak ng PPA na nakahanda ang mga pasilidad at tauhan ng Batangas Port upang tugunan ang inaasahang pagdami ng mga biyahero sa mga susunod na araw, bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026.
Pinapayuhan naman ang mga pasahero na magplano nang maaga, ihanda ang kanilang mga tiket at travel documents, at gamitin ang Online Reservation Assistance System o ORAS para sa mas maayos at ligtas na biyahe ngayong panahon ng bakasyon.