Agad na tinugunan ng Department of Energy (DOE) ang usapin sa pagbabayad sa local supplier ng souvenir items na ipinamahagi sa mga delegado ng ASEAN Ministers on Energy Meeting, matapos makumpleto at maihatid ang tseke sa supplier nitong Oktubre 30.
Sa opisyal na pahayag ng DOE, kinilala nito ang kontribusyon ng AmiananPH sa paghahanda ng mga artisan gift sets na gawa sa lokal na materyales at sumasalamin sa husay ng mga Pilipinong manggagawa.
Ayon sa ahensya, regular itong nakipag-ugnayan sa supplier at nagbigay ng update sa status ng bayad nang bumisita ito sa tanggapan ng DOE noong Oktubre 29.
Kinabukasan, Oktubre 30, nakumpleto ang pagproseso at naihatid ang tseke nang mas maaga sa itinakdang 30 working days na nakasaad sa Terms of Reference.
Nag-ugat ang usapin matapos maglabas ng pahayag ang AmiananPH sa social media tungkol sa umano’y pagkaantala ng bayad sa kanilang mga serbisyo, kabilang ang transaksyon nito sa DOE at Commission on Higher Education (CHED). Binigyang-diin ng DOE ang patuloy nitong suporta sa mga lokal na negosyo at komunidad, gayundin ang kahalagahan ng transparency, accountability, at maagap na pagtupad sa mga obligasyon sa mga katuwang na supplier.