Isinailalim sa preemptive evacuation ang ilang residente ng Barangay North Fairview sa Quezon City kasunod ng pag-apaw ng La Mesa Dam.
Batay sa evacuation update ng barangay, 161 pamilya o 429 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa North Fairview High School.
May 17 indibidwal din ang lumikas sa UNFHAI Covered Court habang nakaantabay din ang Barangay Hall bilang karagdagang pasilidad sakaling dumami pa ang mga residenteng kailangang ilikas.
Una nang pinaalalahanan ang mga residente ng low lying areas kabilang ang North Fairview na maghanda para sa posibleng evacuation dahil sa patuloy na pagtaas ng water level ng La Mesa Dam.
Kahapon, lumampas ang dam sa 80.15-meter overflow spilling level at hanggang kaninang alas-4 ng madaling araw, nasa 80.21 meters pa ang antas ng tubig nito.