Isinusulong ni Senador Loren Legarda ang mas matibay na proteksyon para sa mga manggagawang na patuloy na pumapasok at naghahanapbuhay sa gitna ng bagyo, baha, at iba pang kalamidad.
Ayon kay Legarda, dapat tiyakin ang patas na kompensasyon, ligtas na working arrangements, at sapat na suporta sa mga manggagawang humaharap sa dagdag na panganib at gastusin tuwing may sakuna.
Binigyang-diin ng senador ang kalagayan ng mga manggagawa sa transportasyon, food supply, healthcare, utilities, media, retail, construction, agriculture, education, public services, at iba pang sektor na kinakailangang magtrabaho on-site kahit masama ang panahon at apektado ang transportasyon.
Dahil dito, muling iginiit ni Legarda ang kanyang panukalang Senate Bill No. 520 o Calamity Work Compensation Act.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang mga kwalipikadong manggagawa ng karagdagang 30 percent ng kanilang daily wage kapag kinakailangang pumasok sa panahon ng Signal No. 3, 4, o 5, o katumbas na antas ng kalamidad.
Layunin nitong kilalanin ang dagdag na pasanin ng mga manggagawa, kabilang ang hirap sa transportasyon, mas mataas na pamasahe, limitadong access sa pagkain at pangunahing pangangailangan, at mas mataas na panganib sa kanilang kaligtasan.
Nilinaw naman ni Legarda na hindi layunin ng panukala na hikayatin ang mga manggagawa na isugal ang kanilang kaligtasan.
Hindi rin aniya nito papalitan ang hazard pay o iba pang benepisyong itinatadhana ng batas.
Maaari rin aniyang magpatupad ang mga employer ng Calamity Work Contingency Plan bilang alternatibo sa monetary compensation, subject sa pag-apruba ng Department of Labor and Employment (DOLE) at pagsang-ayon ng mga kinatawan ng mga manggagawa, kung naaangkop.
Hiniling din ni Legarda na palakasin ang proteksyon para sa mga informal, platform-based at self-employed workers, gaya ng delivery riders, drivers, vendors at iba pang arawang kumikita na kinakailangang manatili sa kalsada o pampublikong lugar para kumita kahit mapanganib ang panahon.