Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Hindi mailalabas ang mga naratibo gaya ng pagsasabi ng Chinese scholars na bahagi ng Taiwan ang Batanes Islands o ang paglalarawan na ang mga Pilipino ay “matsing” kung walang direktiba mula sa Chinese Communist Party.
Ito ang binigyang-diin ng foreign affairs and security analyst na si Prof. Renato De Castro sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, kaugnay ng inilathalang artikulo ng Global Times tungkol sa sinasabing pagtatangka ng Pilipinas na putulin ang ugnayang historikal at kultural sa pagitan ng Batanes at Taiwan.
Ayon kay Prof. De Castro, ang sinasabi sa naturang artikulo ay mayroong pagkakahalintulad ang kultura ng mga Ivatan sa kultura ng mga Tao (aborigines sa Taiwan).
Bagama’t may katotohanan ang naturang ugnayan, aniya, gumagawa na ang Chinese Communist Party ng mga naratibo na nagsasabing dahil pagmamay-ari ng China ang Taiwan ay kanila na rin ang Batanes.
Matatandaan na mayroong umiiral na One China Principle kung saan itinuturing na bahagi ng People’s Republic of China ang Taiwan. Iba ito sa ipinaiiral ng ibang mga bansa, tulad ng Pilipinas, na One China Policy — kung saan tinanggap na mayroong iisang Tsina, ngunit hindi tinatanggap na probinsya lamang ng China ang Taiwan.
Ipinunto rin ni Prof. De Castro na kung pag-uusapan ang kasaysayan ay bahagi ng Pilipinas ang Batanes at sa katunayan ay kasama ito mismo sa 1734 Murillo Velarde map, na pinakalumang mapa ng mga Espanyol sa Pilipinas.
Ayon sa foreign affairs and security analyst, ginamit din ang Velarde map ng mga Amerikano at Hapon sa pananakop ng mga ito sa Pilipinas.