Photo courtesy of Senate of the Philippines
Kinastigo ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte dahil umano sa hindi pagtugon sa hiling ng prosekusyon na makipagpulong upang ikumpara ang mga dokumentong ihaharap ng testigong si COA-ICFAO State Auditor Xylene Mae Del Campo sa paglilitis ngayong araw.
Kasunod nito, inatasan ng Senate Impeachment Court ang defense team at ang prosecution panel na magsumite ng kopya ng mga ebidensyang minarkahan noong pre-trial.
Ito ang naging ruling ni Escudero matapos mabigong magkasundo ang depensa at prosekusyon sa araw at oras ng pagpupulong upang marepaso ang mga dokumentong ihaharap ni Del Campo.
Sinabi ni Escudero na ang Impeachment Court na lamang, kabilang ang mga senator-judges, ang magkukumpara sa mga dokumentong isinumite ng depensa at prosekusyon.
Inatasan ni Escudero ang depensa na isumite ang mga dokumento sa loob ng araw na ito o hanggang bukas.
Una nang inutusan ng Impeachment Court ang magkabilang panig na magpulong noong Huwebes at Biyernes ng nakaraang linggo upang magkasundo kung alin sa mga dokumentong hawak nila ang tunay at maaaring tanggapin bilang ebidensya.
Gayunman, sinabi ni prosecution lawyer Atty. Lorna Kapunan na hindi umano tumugon ang defense team sa kanilang mga mensahe upang maitakda ang naturang pagpupulong. Kasunod ng ruling, nagbigay na ng go-signal si Escudero upang makapagtestigo si Del Campo.