Personal na ininspeksyon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager, Undersecretary Nicolas Torre III ang large booster flood pumps sa Marikina City na siyang humihigop ng baha sa mga barangay ng Tumana at Malanday.
Ito’y matapos hindi gumana ang mga inilagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pumping station sa lugar sa kasagsagan ng pag-apaw ng tubig sa Ilog Marikina bunsod ng walang patid na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Katuwang ng Marikina LGU ang MMDA sa pagkakabit at pagpapa-andar ng naturang mobile pump para mabilis na mapahupa ang baha sa mga apektadong lugar.
Nabatid na tatlong beses na malaki ang pumping capacity ng booster pump na ito kumpara sa pump na nakalagay sa Tumana – Malanday Pumping Station.
Una rito, ipinabatid sa Radyo Pilipinas ni Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro na magtatagal ang naturang booster pump sa bahagi ng Tumana at Malanday hanggang sa ganap na maisaayos ang pumping station dito.