Binabantayan ng Philippine Red Cross (PRC) ang sitwasyon sa mga binahang lugar bunsod ng walang patid na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw dulot ng habagat.
Ito ay para sa agarang pagpapadala ng mga volunteer upang rumesponde, sa pakikipag-ugnayan na rin sa mga lokal na pamahalaan.
Kagabi, rumesponde ang nasa walong Red Cross rescue team sa hanggang dibdib na baha sa Sitio Kumunoy, Brgy. North Fairview, Quezon City.
Unang inilikas ang mga nasa vulnerable sector gaya ng mga nakatatanda, buntis, may kapansanan, gayundin ang mga may sakit at mga bata.
Agad silang dinala sa itinayong First Aid Station sa North Fairview High School.
Ayon sa Red Cross, nananatiling bukas ang kanilang linya ng komunikasyon para sa anumang emergency, flood assistance, o medical support sa kanilang hotline 143 o sa (02) 8790-2300.