Bilang tulong sa mga naapektuhan ng Habagat, nagpatupad ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang automatic moratorium sa housing loan amortization at lease payments ngayong Agosto para sa mga kwalipikadong residential account holder sa mga proyekto ng ahensya.
Nakapaloob ito sa inilabas na Memorandum Circular No. 2026-048 na sumasaklaw sa mga residential account holder sa Metro Manila, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.
Ayon sa NHA, agad na epektibo ang moratorium at hindi na kailangan ng aplikasyon mula sa mga kwalipikadong account holder.
Sa panahon ng moratorium, suspendido ang accrual ng penalties, interest, at surcharges, at walang ipapataw na delinquency charges.
Magsisimula muli ang regular na pagbabayad ng amortization at lease obligations sa Sept. 1, 2026.