Mahigpit na binabantayan ng Department of Education (DepEd) ang sitwasyon ng mga paaralang apektado ng masamang panahon dulot ng nagdaang bagyong #MaymayPH at ng #HabagatPH.
Batay sa datos ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, pumalo na sa 4,792 na mga silid-aralan buhat sa 858 na mga paaralan ang napinsala ng masamang panahon.
Nasa 917 sa mga ito ang tuluyan nang nawasak; 1,003 dito ang nagtamo ng matinding pinsala habang nasa 2,972 naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala.
Pinakamarami sa mga ito ay mula sa rehiyon ng Ilocos na sinundan naman ng Central Luzon, Cordillera, CALABARZON, Eastern Visayas, MIMAROPA, Negros Island Region, at Metro Manila.
Samantala, aabot naman sa 387 na mga silid-aralan mula sa 107 na mga paaralan ang kasalukuyang ginagamit na evacuation center ng may 2,065 na pamilya sa CALABARZON, Central Luzon, National Capital Region, Ilocos, Eastern at Central Visayas, MIMAROPA, at Cordillera.