Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P106.5 milyong halaga ng tulong at agricultural inputs para sa mga magsasakang naapektuhan ng pagsasama ng Bagyong #LuisPH, Bagyong #MaymayPH, at ng pinalakas na Hanging Habagat.
Ito ay kasunod ng ulat mula sa DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center na umabot na sa P135.3 milyong halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa limang rehiyon: Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.
Inatasan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga kawani ng kagawaran na mabilisang ipamahagi ang tulong upang agad na makabangon ang mga lokal na producer ng pagkain.
“Mas mabilis nating maproseso ang mga ito, mas mabilis na makakabawi ang ating mga magsasaka at makakabalik sa produksyon,” pahayag ni Tiu Laurel.
Bukod sa pamimigay ng mga binhi ng palay, mais, at gulay, tiniyak din ng kalihim ang pagpapatupad ng zero-interest loans at programa sa insurance sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) at Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC).
Sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) loan program ng ACPC, pwedeng mangutang ang mga apektadong magsasaka ng hanggang P25,000 na walang interes at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon. Makatatanggap din ng kabayaran o indemnification ang mga magsasakang nakaseguro sa PCIC.
“Kailangan nating kumilos nang mabilis sa mga komunidad upang agad na matanggap ng mga magsasaka ang tulong na kailangan nila, lalo na ang mga claim sa insurance at pautang,” dagdag ng kalihim.
Pinakamalaking bahagi ng pinsala ay sa produksyon ng palay na umabot sa P102.01 milyon. Kabilang din sa mga naitalang pinsala ang:
- Irigasyon: P16.1 milyon
- High-value crops: P11.92 milyon
- Mais: P4.05 milyon
- Farm structures: P1.2 milyon
- Alagang hayop: P43,600 (38 ulo ng kambing at pato)
Ayon sa Bulletin No. 3 ng DA-DRRM, umabot na sa 6,010 magsasaka ang naapektuhan at pumalo sa 4,465 metric tons (MT) ang kabuuang nawalang ani batay sa talaan noong Lunes, ika-8 ng umaga.
📷 PIA