Agad iniutos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pag-iisyu ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at rider ng isang motorsiklong namataang sumasayaw habang nagmamaneho.
Sa viral video, makikita ang naturang rider na paulit-ulit na nagbibirit ng makina ng motorsiklong may illegal modified muffler habang bumibiyahe sa kalsada. Makikita rin sa video ang naturang rider at ilan sa mga kasama nito na sumasayaw habang nagmamaneho ng kani-kanilang motorsiklo.
Kaugnay nito, inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang rider na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, sa October 14, 2026.
Pinagpapaliwanag din ito kaugnay ng mga paglabag na Illegal Muffler Modification, Reckless Driving, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Kaugnay nito, isasailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng naturang rider at inatasan siyang agad itong isuko sa IID para sa kaukulang proseso.
Inilagay na rin sa alarm ang naturang motorsiklo at inatasan ang rider na dalhin ito sa North Motor Vehicle Inspection Center (NMVIC) para sa inspeksyon sa itinakdang araw ng pagdinig.