Nakatanggap ng pondo mula sa Presidential Assistance to Barangays sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund ang 144 na barangay sa Mountain Province sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pinangunahan ng Provincial Local Government Unit o PLGU ng Mountain Province, sa pamamagitan ng Liga ng mga Barangay at Department of the Interior and Local Government-Mountain Province, ang distribusyon ng pondo sa Leonard G. Mayaen Sports Complex sa Poblacion, Bontoc.
Ayon sa PLGU Information Office, ipinaliwanag ni Provincial Liga ng mga Barangay President Alfonso Ligos na maaaring gamitin ang ipinagkaloob na pondo para sa mga development project ng barangay, kabilang ang scholarship para sa mga graduating college students at iba pang proyektong isinumite sa pamamagitan ng Liga ng mga Barangay.
Nagpasalamat naman si Governor Bonifacio Lacwasan Jr. sa national government para sa ipinagkaloob na tulong.Nakiisa rin sa aktibidad sina Vice Governor Jose Jet Dominguez, DILG Provincial Director Anthony Manolo Ballug, Political Affairs Officer Dionisio Wacdisen, na kumatawan kay Representative Maximo Dalog Jr., at iba pang opisyal ng lalawigan.
Matatandaang batay sa DILG Memorandum Circular No. 2026-038 kaugnay sa pagpapatupad ng programa, bawat barangay sa buong bansa ay makatatanggap ng ₱200,000 mula sa Office of the President sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund o SCPF Project.
📷 Mountain Province Provincial Information Office