Umabot na sa 21 ang bilang ng napaulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Luis at Maymay at ng Habagat.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa bilang na ito, 15 ang nasawi sa Benguet, tatlo sa Rizal at tatlo sa Batangas. Kabilang sa mga naitalang insidente ang landslide, nabagsakan ng puno, pagkalunod, at pagkakuryente.
Samantala, 14 ang naitalang nasugatan at isa naman ang nawawala dahil sa epekto ng masamang panahon.
Mahigit 909,000 pamilya o higit 3.1 milyong indibidwal naman ang apektado ng masamang panahon sa 10 rehiyon.
Habang nasa 881 evacuation centers ang ginagamit, kung saan mahigit 80,000 indibidwal ang pansamantalang lumikas.
Patuloy naman ang monitoring at validation ng NDRRMC sa mga naiulat na casualties at pinsala sa mga lugar na naapektuhan ng masamang panahon.