Nasawi ang dalawang indibidwal at sugatan ang isa pa sa pamamaril sa isang resort sa Maragondon, Cavite, bandang ala-1:30 ng madaling araw kanina.
Sa tatlong biktima, isang pulis at isang sibilyan ang nasawi, habang isang pulis ang nasugatan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cavite Police, paalis na umano ang grupo sa resort nang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa parking area na nauwi sa pamamaril.
Agad namang naaresto ang suspek na si Police Corporal Rolando Periodico Jr. na nakatalaga sa Trece Martires City Police Station.
Nasa kustodiya na ang suspek ng Maragondon Police at narekober din ang baril na ginamit sa insidente na gagamitin bilang ebidensya sa kaso.
Samantala, sa panayam ng media sa Camp Crame kay Cavite Police Provincial Director Colonel Ariel Red, sinabi niya na maaga pa para tukuyin ang pinag-ugatan ng pagtatalo dahil hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng SOCO.
Ni-relieve naman sa pwesto ang hepe ng Maragondon Police dahil sa command responsibility habang isinasagawa ang imbestigasyon.