Kinumusta ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang mga guro at mag-aaral ng Santolan Elementary School sa Pasig City, ngayong araw.
Kabilang ito sa mga paaralang nagsilbing evacuation center sa nakalipas na araw bunsod ng mga pag-ulang dala ng Habagat.
Ayon kay Principal Editha Tolop ng Santolan Elementary School, aabot sa 794 pamilya o katumbas ng 3,100 indibidwal ang kanilang inampon at umokupa sa may 95 silid-aralan.
Kahapon, naka-uwi na ang mga evacuee kaya’t muli nang nagsimula ang klase sa naturang paaralan ngayong araw na tahanan ng nasa 4,489 mag-aaral dito.
Dito, personal ding kinausap ng kalihim ang mga guro hinggil sa kanilang mga pagsusumikap upang tiyakin ang kapakanan ng kanilang mga estudyante.
Batay naman sa datos ng DepEd, nasa mahigit 8,000 paaralan at mahigit anim na milyong mag-aaral sa buong bansa ang apektado ng masamang panahon.